Tuesday, June 16, 2015

Bakla o tomboy ka ba?


Usapang personalidad. Usapang pagkatao.

SINO KA BA? AT ANO KA BA TALAGA?

LALAKI? BABAE? BAKLA? TOMBOY? O BISEXUAL?

Yung pinili mo sa itaas, yun ba ay dahil yun ang TAWAG ng ibang tao sayo? gusto mong maging? o YUNG TOTOONG IKAW?

Ikaw lang ang makakasagot niyan. Wala ng iba.

#Magpakatotookalang

Sunday, June 7, 2015

Health Certificate in Pasig City


 Kumuha ako ng Health certificate (Health card) sa Pasig City noong May 2015, nilipat kasi ako ng branch (sa work) kaya eto, kumuha na naman ako :D

Ang tanging masasabi ko lang ay: WOW!

Bakit?

Sobrang bilis at sobrang komportable kumuha ng health certificate (at kahit ano pa atang papeles ang pakay mo sa Pasig City Hall). Mababait pa ang mga staff, pagpasok ko palang sa City Hall eh halos lahat nakangiti, nagbibiruan pa, natuwa talaga ako sa pagbisita ko doon. At habang naghihintay ako sa pila, nanonood ako sa TV screen nila, andami na palang achievements ng PASIG, saludo po ako sa syudad ng Pasig! :)

Saan kukuha?

Kung hindi ka taga PASIG, sumakay lang po ng jeep na "PASIG PALENGKE" at sabihin sa driver pakibaba ka sa City Hall. Merong mga jeep na ganoon sa tabi ng SHANGRILA MALL sa Mandaluyong, sa MARIKINA BAYAN, PALENGKE, at dito sa LIGAYA (malapit sa LRT SANTOLAN).

Monday, March 30, 2015

Health certificate in Mandaluyong City





Nung kumuha ko ng health certificate sa Mandaluyong nung March 2015, inabot ako ng  10hrs. mula pagpila hanggang sa pagkuha ng mga resulta . Andami lang din talaga kasi ng mga kumukuha, pero kung tutuusin ang bilis nila magprocess.  Ang nakakainis lang ay ang magugulong pila, at ang nakakalitong pagpunta kung saan saan (lalo na kung di ka naman taga Mandaluyong). 

Buti na lang at meron akong mga nakasabayan sa pila na mababait at tinuro sakin kung ano dapat ko munang kuhain, puntahan, at kung san ba magbabayad…

1 day process lang naman siya, yun nga lang pagtyatyagaan mo lang talaga. 

5:20am ako pumila, 3pm na ako natapos.

TIP: Kung gusto ninyo maaga makauwi, as early as 5:00am pumunta na po kayo at pumila sa XRAY. Nauubusan sila ng number agad agad, meron lang silang limit sa pagtanggap sa 1 araw. Meron na kasing mga pumipila 3am pa lang, pero kung ako sa inyo wag naman ganun. Kahit 5:00am pwede na.


Saan ba kukuha?

Kung hindi pamilyar ang iba kung saan kukuha, doon po sa Mandaluyong City hall, magkakatabi kasi mga building doon. Bumaba lamang kayo ng MRT BONI STATION, maglakad hanggang sa may NEW HORIZON HOTEL. Doon po meron ng mga jeep papuntang City hall, mga 15-20 mins. Lang andun ka na.


Paano ba kumuha?

Meron pong guide doon sa harap mismo ng health building nila, kaso kung gusto mo matapos agad, mamaya bibigay ko ang tips.

Sa instruction kasi ang sabi ganito:

1. Kumuha ng cedula

2. Magbayad ng para sa health certificate

3. Magpasa ng urine at stool 

4. Mag attend ng seminar

5. Pagkakuha ng mga resulta ay dalhin sa health sanitation window kasama ang cedula at 1x1 picture

6. Pagkatapos ay dalhin iti sa new building sa 3rd floor.

(Kung may kasamang Mayor’s permit)

7. Pumunta sa new building, 1st floor at mag fill up ng form.

___________________________________________________________


Kulang kulang ang nakalagay po sa kanilang guide, at kung susundin yon eh anong oras na kayo matatapos. Kaya eto po ang realidad na nangyayari sa pagkuha ng health certificate doon:

1. Pumila para sa XRAY. Lagi niyong tatandaan kung sino ang mga katabi nyo dahil bigla nalang may mga sumisingit at biglang nagkakagulo sa pila. 8am pa sila nagbibigay ng number, pero kung di pa kayo nakakabayad para sa health certificate at nakakakuha ng cedula ay ok lang, ang mahalaga eh makakuha muna kayo ng number sa XRAY.

2. Pagkakuha ng number sa XRAY ay saka dumiretso sa new building na kulay blue. Doon po magbayad kayo sa window 1-6 para sa:

Urine, stool, x-ray, police clearance (at kung kelangan ng Mayors permit)
May package po sila P405 para dun sa walang mayors permit. Yung Mayors permit naman P50 lang.
Meron silang ibibigay na mga resibo, kaya itago nyo po ito dahilo ito ang ipapakita nyo kapag kayo ay magpapa-test.

NOTE: Kumuha na po kayo ng cedula sa kanila pati police clearance kahit meron na kayo nito, ang gusto kasi nila sa kanila kukuha. At sa di maipaliwanag na kadahilanan, REQUIRED po ang police clearance nila sa pagkuha ng health certificate. 

3. Kumuha ng cedula sa 1st floor, P22 ang bayad ko nun.

4. Magpasa ng urine at stool sa old building. Meron din po itong number at alamin ang oras ng pagbibigay ng resulta dahil per batch po ito. Maganda po kung meron na kayong dalang urine at stool (dumi) dahil matatagalan pa kayo kung dun pa mismo kayo iihi at dudumi.

NOTE: Lagi nyo pong balikan ang sa XRAY kung pang anung numero na, dahil pag tinawag ang numero nyo at wala pa kayo, aantayin nyo matapos ang lahat saka lamang kayo makakapag pa XRAY. Tignan din kung anong oras ang per batch ng pag attend sa SEMINAR. Ngunit bago kayo umatend ng seminar mas mabuti kung makakapagpa-POLICE CLEARANCE ka muna.

5. Kung malapit ka na matawag para sa XRAY ay antayin nyo na po, alamin kung anong oras makukuha ang resulta (per batch din po kasi ito). 

IMPORTANT: Magdala po kayo ng hinihingi nilang ID, maganda kung DALAWA na para sigurado. Kelangan po nila ang kahit alin sa mga ito: Company ID / SSS ID / School ID / Postal ID / TIN ID / Drivers license / NBI Clearance 

Pero kung marami pang oras ay pwede na kayo dumiretso sa POLICE CLEARANCE. (Walking distance lang naman, kahilera ng old building)

Mag fill up ng form, magbayad, magpapicture, antaying matawag ang pangalan, at yun meron ka ng police clearance. Nakakatuwa lang eh sobrang bilis ng proseso nila mga 15mins lang siguro eh nakakuha nako, kumpara sa POLICE CLEARANCE ng Antipolo, naku, matindi pa sa NBI CLEARANCE, antagal.

6. Pag nakapag pa XRAY na at nakakuha na ng police clearance ay umatend na po kayo ng seminar, mga 1hr po yun manonood kayo ng video tungkol sa food handling at paninigarilyo.

7. Pagkatapos ay antayin ang oras ng pagkuha ng mga resulta para sa XRAY at urine & stool.

8. Ibigay ang mga resulta sa health sanitation window kasama ang cedula at 1x1 pic

9. Pumunta sa new building, 3rd floor para magpapirma ng Health card.

10. Pumunta sa 1st floor para magfill up ng 2 kopya ng Mayors permit (kung kailangan nyo nito) at may bayad po na P30 (sa notaryo ata ang bayad na ito).  

SA WAKAS TAPOS NA!

Every Dec 31th of the year po ang expiration ng health certificate. Same process daw kahit renewal.

Postal ID







Pagkapunta ko sa Philpost office dito samin sa Antipolo City (nung March 2015), meron na akong dala na original birth certificate at Police clearance. Bago ang lahat, mag fill-up muna  ng isang PID application form, pagkatapos ay saka ito ipa-zerox ng dalawa pang kopya, isinabay ko na ang pagpapaxerox nung birth certificate ko at police clearance. Wala pa naman akong asawa kaya yun lang ang kinailangan ko dalhin.
 
Tapos ay ipasa dun sa naka assign na staff para sa postal ID, ita-type ang mga detalye ng PID application form sa computer at ichecheck mo nalang kung tama ba ang pagkaka type nya. (Parang pag kumukuha lang ng NBI clearance) Tapos pipicturan ka. Tapos magbabayad. Tapos, tapos na :D

May ibibigay sayong kapirasong papel at resibo katunayan na nagbayad ka. 15 working days ang hihintayin, at idedeliver napo ito mismo sa bahay nyo kaya wag na kayo mag alala.

Natuwa ako dahil nabago na ang sistema sa pagkuha ng POSTAL ID, dati kasi nung nagtanong ako kung ano ano ang hinihingi, puro original pa. Tanong ko, e di pag kukuha ako police clearance, dapat dalawa? Oo daw, pati yung NSO birth certificate. Kaya antagal bago ko naisipang kumuha, nakakainis kasi. Pero ngayon iba na, nagmahal oo, pero maganda naman ang ID saka mas mabilis na proseso.

Saka yung GENERAL REQUIREMENTS nilang yan, pare-parehas yan sa lahat ng branch kasi may memo daw sila yung head office nila may bigay nyan. Di tulad dati bawat branch ata eh iba-iba hinihingi (ayon sa pagtatanong tanong ko)


Tuesday, March 3, 2015

Police Clearance in Antipolo City



Matindi ang experience ko sa pagkuha ng police clearance sa Antipolo, unang una anlayo ng bahay namin sa City hall, mga 1 and a half hours ang biyahe. At matindi rin ang pila kala mo kumukuha ka ng NBI clearance at ang isa pa, nagulat ako dahil tumaas ng higit 100% ang presyo nito. Nung 2011 kasi P100 lang, ngayong 2015 naman P250 na ang “for local employment”

NOTE: Kumuha nga pala ko ng Police clearance nung January 2015

Price: 
For local Employment: P250
For abroad: P270
For business permit: P650
For Firearms license: P650

Requirements:
Photocopy of Barangay clearance
Photocopy of Cedula
Photocopy of Court Clearance


Paano kumuha?

Kung meron ka ng barangay clearance at cedula, ang next mong gagawin ay ang pagbabayad ng court clearance. Sa Cityhall na ang bayaran ng court clearance at hindi na sa Hall of justice. 

Pag nakabayad na ay dumiretso sa Hall of justice,  magfill up ng form (humingi sa security guard) at ibigay sa window kasama ang resibo ng court clearance. Antayin matawag at pag nakuha na ang court clearance ay saka dumiretso sa police station (walking distance). Doon ay muling mag fill up ng form.

Note: Huwag na kayo mag alala kung di pa kayo nakapagpa photocopy ng requirements dahil meron mismo sa loob ng police station at yung nagxexerox mismo ang nagfifile sa window ng pagprocess ng police clearance.

Antayin matawag para sa bayaran ng clearance.

Pag nakabayad na ay mag antay uli para sa pagkuha ng iyong picture, at finger print.

Pagkatapos ay mag antay uli para sa release ng certificate at ID.

(Opo, bukod sa certificate ay may ibibigay pang police clearance ID, kaya rin siguro nagmahal na ang bayad)



TIP #1: Kung 1 day process lang ang gusto nyo, dapat 8am andun na kayo sa Cityhall para makapagbayad ng court clearance at saka dumiretso agad sa Hall of justice, then sa police station. Andami talaga kasi ng tao, 3 lang yung nagpoprocess sa police station tas yung tao less than 100.


TIP #2: Kung malayo kayo banda don sa Cityhall tulad ko at di alam ang mga pupuntahan, sumakay lang ng jeep na “Antipolo Simbahan” ibababa kayo ng jeep sa terminal ng tricycle. Sumakay ng tricycle papuntang Cityhall. Tricycle din ang sasakyan papuntang hall of justice at walking distance naman ang pagpunta sa police station. Pag pauwi ay tricycle pa din ang sasakyan sabihin lang dun sa terminal ng jeep na pa-cubao. 

Claiming Civil Service Certificate of Eligibility



NOTE: Makukuha mo lamang ang certificate sa regional office kung san ka nagpasa ng application.

Kung nakapasa ka sa Civil Service Exam, alamin mo kung kelan ang release ng certificate of eligibility, tumawag sa district office kung saan ka nagpasa ng application.

Mga dapat dalhin:

- 1 Valid ID (Police clearance, BIR ID, etc.) 
- Passport size picture with name (yung picture na ginamit mo nung nagpasa ka ng application)

Mas maganda agahan mo ang pagpunta sa office, pero ok lang din naman kung late na kasi sobrang bilis lang wala pang 30 mins. ayon sa experience ko. Sa Banawe, Q.C kasi ako kumuha ng COE, nung February 2015, pero ewan ko lang sa ibang branch.

Pagpasok mo meron kang ififill-up na request sa pagkuha ng COE, tapos ay ipapasa mo sa window kung saan nirerelease ang COE. Ibibigay mo yung finil-upan mo, at yung 1 valid ID, at passport size picture with name.

Mag aantay ka lang na tawagin ka, may papapirmahan sayo katunayan na natanggap mo na ito at yun na tapus na. Huwag mag alala wala ng bayad yon. Hehehe


Nakalagay sa certificate yung result ng exam mo, date nung nag exam ka at kung saan ka nag exam :)